Marian, Karylle and Dingdong:"Siyempre, nakakainis na may mga gano'n. Pero I saw him [Dingdong] naman before he left, nagkasama naman kami, so... Alam mo ‘yon, parang hinahayaan na lang namin minsan. Mahirap kasing magsalita nang magsalita, kasi parang lumalaki lang yung issue," says Karylle (right) about the rumored breakup with Dingdong Dantes, who is now being linked to screen partner Marian Rivera.
Usap-usapan pa rin hanggang ngayon ang balitang break na diumano sina Dingdong Dantes at Karylle at sina Dingdong at Marian Rivera na raw ngayon.
Ayon pa sa lumabas na reports, dahil sa matagal nilang pagsasama bilang magkapareha ay na-develop na sa isa't isa si Dingdong at ang kanyang ka-love team na si Marian, na break na rin diumano sa non-showbiz boyfriend nito na si Ervic Vijandre.
Pero sa huling panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kina Dingdong at Marian ay wala silang malinaw na kasagutan nang tanungin tungkol sa nababalitang relayon nila at pakikipag-break sa kani-kanilang mga kasintahan. Hindi sila umamin o nag-deny.
Sa panayam ng PEP kay Dingdong ay halatang umiiwas ito. Pero nang tanungin siya tungkol sa relasyon nila ni Marian, ito ang naging pahayag niya: "It's getting better habang mas tumatagal. Mas maganda dahil, at least, hindi kami tumatandang paurong." (Click here to read related article.)
Nang si Marian naman ang tanungin kung may namamagitan sa kanila ni Dingdong, ito ang naging sagot ng young actress: "Kay Dong po ninyo itanong ‘yan. Basta ako, ganito na po ako noon pa, lagi akong masaya. Mahilig lang kaming mag-asaran ni Dong kaya nagkakapikunan, pero hindi naman po natatapos ang araw na hindi kami okey. Kung iba po ang pakahulugan nila, nasa kanila na ‘yon. Hindi ko po babaguhin ang sarili ko." (Click here to read related article.)
Dahil sa pagtanggi nilang sagutin nang direkta kung may namamagitan nga ba sa kanila o hindi, lumakas tuloy ang usap-usapan na may bahid nga siguro ng katotohanan ang mga lumalabas na balita na break na sina Dingdong at Karylle at may namamagitan na sa young actor at kay Marian.
Siyempre pa, inaabangan din ng lahat ang pahayag ni Karylle na naging tahimik nang pumutok ang balitang hiwalay na sila ni Dingdong.
Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita si Karylle sa panayam sa kanya ni Lhar Santiago para sa 24 Oras pagkatapos ng kanyang last performance sa musical play na West Side Story. Ipinalabas ang naturang interview kay Karylle sa "Chika Minute" kagabi, October 14.
"Siyempre, nakakainis na may mga gano'n. Pero I saw him [Dingdong] naman before he left, nagkasama naman kami, so... Alam mo ‘yon, parang hinahayaan na lang namin minsan. Mahirap kasing magsalita nang magsalita, kasi parang lumalaki lang yung issue," ang maikling pahayag ni Karylle tungkol sa isyung break na sila ni Dingdong.
Sa huli ay nagbigay pa ng mensahe si Karylle para kay Dingdong, na kasalukuyang nasa Amerika para dumalo sa kasal ng kanyang best friend.
"Thank you so much for helping me with the show... Sobrang business- minded kasi niya, lahat ng pinapasok niyang business ventures, inaalalayan niya ako. So, thank you so much and come home na," sabi ni Karylle.
Sa mga pahayag ni Karylle, hindi man niya direktang sinabi na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita, lumalabas na sila pa rin ni Dingdong.
Pero taliwas naman ito sa sinasabi ng ilang tao na nakausap ng PEP na may alam tungkol sa totoong sitwasyon ng relasyon nina Dingdong at Karylle. Malaki ang paniniwala nila na break na nga ang dalawa ngunit naghihintay lamang daw sila ng tamang pagkakataon upang sabihin ito sa publiko.
Sa Biyernes, October 17, ay nakatakdang bumalik si Dingdong mula sa Amerika upang humabol sa inauguration ng bagong building ng GMA-7, ang GMA Network Studios, kinagabihan. Inaasahan na sa airport pa lang ay dudumugin na ng mga TV crew at reporters ang young actor upang kunin ang kanyang pahayag sa totoong kalagayan ng relasyon nila ni Karylle at kung may namamagitan nga ba sa kanila ni Marian. PEP