

Pinag-react ng nagsidatingang media people sa press conference ng Magdusa Ka si Iwa Moto. Tinanong kasi siya kung masasabi ba niyang malayo na ang narating niya kumpara sa mga kasamahan niya sa StarStruck 3, lalo na sa tinanghal na Ultimate Female Survivor na si Jackie Rice.
Maagap naman sa pagsagot si Iwa na hindi naman dapat gawan pa sila ng isyu ni Jackie at ng iba pa niyang mga kasabayan.
"Alam n'yo, wala naman kasing isyu. ‘Eto, ha, mula umpisa, hindi ko iniisip na feeling-sikat ako. Hindi ko inilalagay sa utak ko yun. Basta ako, ginagawa ko lang kung ano ang trabaho ko. Kung may trabaho, e, di meron. Kung wala, e, di wala," kibit-balikat niyang sabi.
Si Iwa rin mismo ang nagsabi na magkaibigan daw silang dalawa ni Jackie. In fact, magka-text nga raw sila at pareho sila ng interes sa pagte-train ng boxing.
Hindi naman itinanggi ni Iwa na there are times na napag-uusapan daw nila ni Jackie ang mga nangyayari sa kani-kanilang career.
"Si Jackie, sinasabi naman niya na masaya siya para sa akin. At saka mahal ko yun, bunso namin siya."
Idinepensa rin niya sa isyung pasaway raw si Jackie.
Aniya, "Hindi naman siya pasaway. Nagkataon lang na mas bata siya sa akin at mas nag-isip ako kung ano ang ikabubuti ko. Sa kanya, nag-isip din naman siguro siya, yun nga lang, hindi naging perfect yung plano niya.
"Hindi naman lahat ng tao, perfect. Yung pinaplano natin, nagkaka-totoo. At saka, ayokong mag-away kami ni Jackie dahil magkaibigan kami," pakiusap pa ni Iwa.
JUST WANT WORK. Samantala, hindi raw niya inisip na aabot sa ganitong stage ng kanyang career na magiging pangunahing kontrabida siya sa isang show na tulad ng Magdusa Ka.
"Na-imagine ko lang, nagtatrabaho lang ako ng maayos, ‘yun lang. Alam mo, even before noong Bakekang days, masaya na ‘ko na hindi ako yung bida, eh. Masaya na ‘ko na kahit ano lang ako, extra or support, masaya na ‘ko basta may work lang.
"Kaya ngayon, sinasabi ko sa mga kaibigan ko, hindi ko naman wini-wish na maging sikat ako or na maging bida ako or whatever. Ang wish ko lang talaga, magtuluy-tuloy.
"Kasi siyempre may sinusuportahan akong pamilya, kaya naman ngayon, suportado ko na silang lahat!" natatawa pa niyang sabi.
Siya pa rin daw ang nagpapaaral sa dalawang kapatid niya. Isang nasa college at isang nasa elementary. Tungkuling inako niya mula nang sumali siya sa StarStruck.
"Masaya na ‘ko, eh. Masaya na ‘ko na nabibili ko ang gusto ng mga kapatid ko. Nabibili ko ng gamit ang mga kapatid ko at nasusunod ko mga luho nila.
"So, to be honest, nagtatrabaho ‘ko, hindi para sa akin. Not for my mom, not for my dad, kundi para sa mga kapatid ko."
BACK TO SCRATCH. Natatawa rin niyang ikinuwento na matapos niyang maipagawa ang bahay nila, makabili ng sariling sasakyan, at sumabay pa nga rito ang pagkaka-ospital niya at pagpapa-opera dahil sa internal bleeding na nangyari sa kanya, bankrupt na raw siya at naubos daw ang pera niya sa sabay-sabay na naging bayarin niya.
"Kaya ‘eto, ngayon pa lang ulit ako magsisimulang mag-ipon."
Sa huli, pinasubalian nga ni Iwa ang mga intriga sa kanila ng bida ng Magdusa Ka na si Katrina Halili. Natutuwa nga raw siya nang sabihin ni Katrina na siya lang daw ang nakikita ni Kat na puwedeng humalili sa pagganap niya noon sa mga contravida roles.
"Masaya ‘ko...natutuwa akong talaga. Idol ko rin ‘yang si Kat. Alam n'yo yung napatunayan niya na kahit hindi siya ang nanalo, nandyan pa rin siya sa puwesto niya ngayon, ‘yan ang gusto kong sundan." PEP
No comments:
Post a Comment