"Every month may ibinibigay siya sa akin na mga little notes lang na pampakilig. Akala ko wala nang lalake na gumagawa ng gano'n. Pero nagulat talaga ako kay Mart kasi he's such a romantic person na hindi mo inaasahan na gano'n siya. He really makes me smile kapag nababasa ko yung mga sinusulat niya sa akin," says Jennica Garcia about boyfriend Mart Escudero.
Ngayong buwan ng Oktubre ay magse-celebrate ng kanilang tenth-month anniversary ang magkasintahang sina Mart Escudero at Jennica Garcia. Sinabi ng Kapuso young stars sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na mas naging magaan daw sa kanilang dalawa ang ginawang pag-amin dahil wala na raw silang itinatago na sikreto sa maraming tao.
Si Mart ang unang umamin sa relasyon nila ni Jennica nang mag-guest ang young actor sa SiS. Natuwa naman daw si Jennica dahil galing na mismo sa lalake ang pag-amin ng kanilang relasyon.
Sa presscon ng Gagambino noong Lunes ng gabi, October 13, sa Studio 3 ng GMA Network Center ay nakausap ng PEP sina Jennica at Mart. Ipinaliwanag ng magkasintahan kung bakit hindi nila agad inamin ang kanilang relasyon.
"Talaga namang sasabihin namin ang totoo, pero we were waiting for the right time," paliwanag ni Jennica. "Since nasabi na nga ni Mart sa SiS noon, I think yun na ang tamang panahon. Proud ako to say na galing sa bibig niya na kami na. Minsan kasi nakakatakot kung ako ang magsabi ‘tapos biglang i-deny ka ng lalake, di ba? At least sa situation naming dalawa, si Mart na ang nagsabi at siyempre, happy ako sa ginawa niya."
First boyfriend ni Jennica si Mart at first serious girlfriend naman daw ni Mart si Jennica. Doon pa lang daw ay parang destined na silang magkaroon ng magandang relasyon.
Ano ba ang gift nila sa isa't isa kapag dumarating ang "monthsary" nila?
"Ako kasi, may isinusulat ako na little notes para kay Jen," sabi ni Mart. "Nagugulat nga siya kasi hindi niya alam na kaya kong gawin ‘yon. Mga romantic lines lang naman ang isinusulat ko for her at natutuwa siya. Gano'n lang kasimple ang bigay ko sa kanya."
Inamin ni Jen na hindi niya akalain na may mga lalake pa palang marunong gumawa ng mga ganung romantic notes at hindi niya inaasahan ‘yon kay Mart.
"Promise, nagulat talaga ako!" bulalas ni Jennica. "Every month may ibinibigay siya sa akin na mga little notes lang na pampakilig. Akala ko wala nang lalake na gumagawa ng gano'n. Pero nagulat talaga ako kay Mart kasi he's such a romantic person na hindi mo inaasahan na gano'n siya. He really makes me smile kapag nababasa ko yung mga sinusulat niya sa akin."
Patuloy niya, "Ako naman, tama na yung sinasabi ko ang nararamdam ko for him. Very expressive ako sa mga emotions ko, e. Mas nailalabas ko ang true emotions ko kapag sinasabi ko siya. Kaya alam naman ni Mart ang mga true feelings ko sa relasyon namin."
Happy naman daw ang mommy ni Jennica na si Jean Garcia sa naging outcome ng kanilang relasyon. May mga pieces of advice din daw si Jean sa kanila para maging maganda at maayos ang takbo ng relasyon nila.
"Nakikinig kami kay Mommy," sabi ni Jennica. "Ako naman, ayoko na may magawa akong mali kaya I don't mind kung may ipayo si Mommy or pagsabihan kami parati. She knows more than me at mas marami siyang na-experience sa buhay kaya may karapatan siyang pagsabihan kami ni Mart."
Ianmin din ni Jennica sa PEP na sa simula pa lang ay alam na ng kanyang ina ang tungkol sa relasyon nila ni Mart. Ayon sa young actress, mismong si Mart daw ang nagsabi kay Jean tungkol sa kanilang relasyon.
Katatapos pa lang ng Ako Si Kim Samsoon, pero magkasama ulit sina Jennica at Mart bilang magka-love team sa bagong fantaserye ng GMA-7, ang Gagambino, na magsisimula na sa October 20. PEP
No comments:
Post a Comment